Sinasabi sa atin ng kasulatan na sa kasalukuyan, nakaupo si Kristo sa kanang kamay ng Ama, naghihintay hanggang sa dumating ang araw kung kailan ang Kanyang mga kaaway ay magiging tungtungan ng Kanyang mga paa.

Mga Hebreo 10:12-13 Nguni’t siya, nang makapaghandog ng isa lamang hain patungkol sa mga kasalanan magpakailan man, ay umupo sa kanan ng Dios; Buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kaniyang mga kaaway ay maging tungtungan ng kaniyang mga paa.

Kapag si Kristo ay bumalik na para sa Kanyang Ikalawang Pagparito, dudurugin Niya ang lahat ng Kanyang mga kaaway at ang Kanyang trono ay maitatatag magpakailanman. Ang tanong, “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito?”

Sa huling artikulo, tinalakay ko ang mga detalye ng pagdagit (rapture) at inilatag ang daloy ng panahon mula sa simula ng kapighatian hanggang sa katapusan ng matinding kapighatian. Ngayon tatalakayin ko nang maikli lamang ang mga pangyayari matapos iyan, at ang bawat isa rito, maaari nating pag-usapan nang mas malalim pa sa mga susunod na buwan. Kung gayon, magpatuloy tayo sa pangyayari na agad na kasunod ng panahon ng matinding kapighatian, na tinatawag ng marami bilang “Armageddon.” Sa Pahayag 18, masisimulan nating basahin kung paano nagsimulang magdiwang ang mga anghel sa pagkawasak ng Babilonia, na para bang nagdiriwang na sila bago pa ito maganap, dahil alam nilang malapit na itong mangyari habang pinapanood si Haring Hesus na pinangungunahan ang Kanyang hukbo sa digmaan, na makikita natin sa Pahayag 19:13-14.

Pahayag 19:13-14 Puno ng dugo ang kanyang kasuotan at ang tawag sa kanya ay “Salita ng Diyos.” Sumusunod sa kanya ang mga hukbo ng langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti.

Ang nakasakay dito ay tinawag na Salita ng Diyos, na bumabalik sa sinabi sa atin sa aklat ni Juan, kung kaya malinaw na ito’y walang iba kundi si Hesus mismo. Ito ang Ikalawang Pagparito ni Kristo. At dito Siya ay patungo sa digmaan upang wasakin ang Kanyang mga kaaway. Ang pangyayaring ito ay maiksi lamang, at halos mababasa rin natin agad sa Pahayag 20 kung paano ginapos ni Kristo si Satanas sa bangin sa loob ng isang libong taon. At sa ating pagpapatuloy sa parehong kapitulo sa Pahayag 20:4 mababasa natin ang muling pagkabuhay ng mga mananampalataya kay Kristo.

Pahayag 20:4 At nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw ni sa larawan nito, ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Binuhay sila upang magharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon.

Ito ay ang mga naging mananampalataya sa pagitan ng pagdagit ng iglesya at ngayong binuhay tayo muli upang maghari kasama ni Kristo sa loob ng isang libong taon. Ang mga namatay na hindi sa Kanya ay hindi pa binuhay sa puntong ito upang mahatulan, dahil darating pa yan sa dulo ng isang libong taon kung kailan magaganap ang araw ng paghuhukom. Sa panahong ito, ang mga kasama sa pagdagit ay mananatili sa Kalangitan kasama ng Diyos hanggang sa mababasa natin sa Pahayag 21:1 kung saan gagawa ang Diyos ng bagong daigdig at bagong langit at sa bersukulo ika-2 kung saan bababa mula sa langit ang Kanyang Banal na Lunsod. Sa oras na ito, ang lahat ng nakasama sa pagdagit at lahat nang naiwan sa mundo o binuhay muli ay maninirahan sa isang Kaharian kasama ang Diyos magpakailanman.

Gayunpaman, bago ito maganap, ang araw ng paghuhukom ay mangyayari sa dulo ng isang libong taon na iyon. Sa dulo ng panahong ito, si Satanas ay madaliang pakakawalan para lamang maitapon sa walang hanggang lawa ng apoy. At sa paghuhukom, lahat nang tumanggi kay Kristo at hindi nanampalataya sa Kanya ay hahatulan din at itatapon sa parehong walang hanggang lawa ng apoy kasama ni Satanas at ng kanyang mga anghel.

Pahayag 20:12-15 Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. Iniluwa ng dagat ang mga patay na naroroon. Iniluwa din ng Kamatayan at ng daigdig ng mga patay ang mga nakalagak sa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang daigdig ng mga patay. Ang lawa ng apoy ay ang pangalawang kamatayan. Itinapon sa lawa ng apoy ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay.

At pagkatapos, ang lahat nang nakitang nakay Kristo, kasama ng lahat ng mga anghel ng Diyos, ay maninirahan sa bagong likha ng Diyos at mananatili sa Kanyang presensya magpakailanman, kung saan maghahari magpakailanman sa trono si Haring Hesus, at sa ganoong paraan ay maisasakatuparan ang propesiya kay David.

Sa oras na si Satanas, ang kanyang mga anghel, at lahat nang natagpuang hindi kay Kristo ay naitaboy sa walang hanggang lawa ng apoy, ang lahat ng kasalanan ay tatanggalin mula sa mundo at lahat ng sumpang kasama nito. Ito ay kung kailan mamumuhay sa buong magpakailanman ang bayan ng Diyos nang walang sakit o paghihirap, at sila’y magkakaroon ng katawang imortal, at mawawala na ang kamatayan.

Pahayag 21:3-4 Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya. Makakapiling nilang palagi ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”

Habang pinag-iisipan ko ang mga bagay na ito, dalawang damdamin ang lumalabas, isa ay kagalakan habang iniisip ko ang pagiging nasa presensya ng aking Taga-pagligtas, ngunit andun rin ang malaking pag-aalala habang iniisip ko ang napakaraming hindi pa nakakakilala kay Kristo ngayon. Bilang mga anak ng Diyos, habang nalalaman natin kung ano ang paparating, isang buhay na kapiling ang Diyos, isang buhay na walang sakit at pagdurusa, ito ang nagpapahintulot sa ating mamuhay nang walang takot sa kamatayan, upang tayo’y maging maliwanag na ilaw para sa ating Panginoon at magamit para makapagligtas ng mga kaluluwa. Pumapasok sa isip ko ang marubdob na udyok na nakikita natin sa Judas 22-23 kung saan tinatawag tayo upang agawin ang iba mula sa apoy.

Judas 22-23 Kaawaan ninyo ang mga nag-aalinlangan. Agawin ninyo ang mga hahatulan sa apoy ng paghuhukom. Ang iba nama’y kaawaan ninyo nang may halong pag-iingat; kasuklaman ninyo kahit ang mga damit nilang nadumihan dahil sa kahalayan. 

Alam kong hindi natin kayang gawin nang pisikal ang pagliligtas, ito ay gawain ng Diyos, ngunit paniguradong kaya nating maging mga kamay at paa Niya bilang iglesya upang hangaring gumawa ng mga alagad ni Kristo, at magpahayag ng Kanyang kahanga-hangang ginawa!

Ang artikulong ito ay sadyang maikli lamang. Marami itong natalakay ngunit ang panalangin ko ay nabigyan kayo ng buod ng plano ng Diyos at matulungan kayong makita kung paano binabalangkas ng Kanyang Salita kung paano titipunin ng Diyos ang lahat ng bagay sa katapusan para sa Kanyang kaluguran at kapurihan, na tumutupad sa lahat ng Kanyang mga pangako. Panalangin ko rin na matulungan tayo nitong maalala ang pangkalahatang layunin ng Diyos, na ibalik ang Kanyang bayan sa Kanya, upang makasama Niya magpakailanman, at na ang pinakamahalagang punto ay ang walang hanggang paghahari ni Haring Hesus.

Mga Awit 27:4 Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling, iisa lamang talaga ang aking hangarin: ang tumira sa Templo niya habang buhay, upang kagandahan ni Yahweh’y aking mapagmasdan, at doo’y humingi sa kanya ng patnubay.

Si Hesus ay hindi ang daan tungo sa katapusan; Siya ang katapusan, at ito ang ating nararapat na sukdulang kaligayahan.

close

Enjoy this blog? Please spread the word :)