Sa aking nakaraang artikulo, inilathala ko “Ang Muling Pagkabuhay ni Kristo”, at saglit kong tinalakay kung paano bilang mga anak ng Diyos na nalalamang nabuhay na si Kristo, ay dapat mabago nito kung paano tayo namumuhay sa mundong ito. Udyukin dapat tayo nito na mamuhay nang walang takot sa panahon ng pandemya, ng unos, at sa ating araw-araw na mga pagsubok, dahil bilang mga anak ng Diyos, maaari nating matiyak na hindi lamang ang buhay na ito ang mayroon tayo. Samahan mo akong tingnan ang sinabi ni Hesus,

Marcos 8:34-35 Pinalapit ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito.

Tinatawag tayo dito ni Hesus upang ituon ang ating paningin sa kung sino ang higit sa ating mga sarili, na walang iba kundi Siya nga mismo. Dahil nalalaman natin na tayo’y mamumuhay magpakailanman bilang Kanyang mga anak, hindi natin kailangang subukang lubusin ang buhay na ito sa makamundong katuturan. Hindi rin natin kailangang mamuhay na parang ito lang ang mayroon tayo, sa ganoon ding makamundong katuturan. Datapwa’t dapat tayong mamuhay na parang ito lamang ang ating pagkakataon upang ipahayag ang Kanyang Ngalan para maligtas ang ibang tao bago dumating ang araw ng paghuhukom. Dapat tayong mamuhay na parang ito lamang ang ating pagkakataon upang dalhin ang ating pamilya, mga kaibigan, mga ka-trabaho, at ang mga tao sa buong mundo, patungo sa nag-iisang Taga-pagligtas na si Hesu-Kristo. Kung ibig sabihin nito’y mawawala sa atin ang ating buhay dahil sa pag-uusig o persekusyon, itinuro ni Hesus na pinagpala tayo para rito.

Mateo 5:10-12 “Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit. “Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.”

Gayunpaman, sa panahon ngayon, nabubuhay tayo sa mundo kung saan maraming Kristyano ang abala sa maraming bagay na talagang wala halos kinalaman sa Diyos at sa gawain para sa Kanyang Kaharian. Abala sila sa mundo at sa mga bagay tulad ng paglubos ng buhay na ito na parang ito lang ang pagkakataon nilang maabot ang kanilang mga pangarap. Datapwa’t, nakakalimutan natin na ang mga bagay na ihinanda ng Diyos para sa atin ay sadyang higit pa sa kung anumang nais natin. Sa ating pag-aaral mula kay Apostol Pablo, ang mga bagay sa buhay na ito ay parang putik kung ikukumpara kay Kristo.

Mga Taga-Filipos 3:8 Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan, makamtan ko lamang si Cristo

Tanging si Kristo lamang ang nararapat na pinakamahalagang kayamanan natin, sa kabila ng ipinangako sa atin sa 1 Pedro 1:3-4 na may inihanda ang Diyos na kayamanang di masisira na itinabi Niya sa langit para sa atin. Ngunit, bukod doon, muli, si Kristo ang Siyang nagpupuno sa atin ng kagalakan, at kung tayo’y makarating sa langit at si Hesus lamang ang naroon, Siya lang mismo ay sapat na. Gusto ko ang talatang ito, 

Juan 15:11 “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon, malubos ang inyong kagalakan.

Nakikita natin dito na si Kristo ang kaganapan ng ating galak. Si Hesus na Hari ay hindi daan patungo sa hantungan; Siya ang hantungan. Hindi lamang Niya inialay ang Kanyang buhay para sa atin, kundi nagdusa Siya ng pinaka-nakakasindak na kamatayan upang tayo’y makasama muli ng Diyos. Para kay Pablo at sa iba pang mga Apostol, si Hesus ang kanilang hangarin. Bukal sa kanilang kalooban ang ialay ang kanilang mga buhay para sa Kanya, at ayon sa Marcos 8:34-35 na nabanggit kanina, ganoon din dapat tayo.

Mga Taga-Filipos 1:21 Sapagkat para sa akin, si Cristo ang aking buhay at kahit kamatayan ay pakinabang.

Ang mamuhay para sa Kanya ang ating sentro, at kung tayo’y mamatay, ito man ay kapakipakinabang sa atin sapagkat makakapiling na natin ang ating Taga-pagligtas, at Siya’y higit na mahalaga sa kahit anupaman, pati na rin sa ating mga buhay.

Hindi ko alam kung naisip ‘nyo na rin ito, pero naisip ko, ang totoo niyan, hindi lang Siya basta nag-alay ng buhay para sa akin, kundi ginawa Niya ito kahit alam Niyang ako’y makasalanan at tumalikod sa Kanya. Ito ang dakilang pag-ibig sa atin ng Diyos, na isinugo Niya ang Kanyang Anak upang mamatay para sa atin habang tayo’y mga makasalanan pa.

Dahil alam natin ito, bilang Kanyang mga anak, at dahil tayo’y mga matagumpay na, at binigyan ng buhay na walang hanggan, imbis na tayo’y mabuhay para sa sarili natin, kaya nating mamuhay para sa Kanya, at nagnanais tayong gawin ang siyang makakapag-pagalak sa Diyos.

Mga Taga Roma 12:2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos; kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban niya.

2 Mga Taga-Corinto 5:9 Kaya naman, ang pinakananais natin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa tayo o maging nasa piling na niya.

Ngayon, lubos na totoong hindi natin kayang mamuhay para sa Diyos sa ating sarili lamang o sa ating lakas, ngunit ang magandang balita ay hindi natin kailangang gawin iyon. Sa 1 Pedro 4:11, sinasabi sa atin na anuman ang ating gawin, sa pangangaral man o paglilingkod, ang Diyos ang kumikilos sa pamamagitan natin.

1 Pedro 4:11 Ikaw ba’y tagapangaral? Ipangaral mo ang salita ng Diyos. Ikaw ba’y tagapaglingkod? Gamitin mo sa paglilingkod ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya’y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen. 

Sa Kanyang lakas at pangunguna, mapapasaatin ang kailangan natin upang maisagawa ang gawain at upang harapin ang mga pagsubok kung saan tayo tinawag ng Panginoon, kahit pa ito’y ang pag-alay ng ating mga buhay. Ang tanong, “kusang loob ba tayong magpapasakop sa Kanyang pangunguna at sa pamumuhay para sa Kanya, o hinahangad ba nating mamuhay para sa ating sarili?”

Ang pamumuhay para sa Kanya ay hindi isang bagay na magagawa natin nang walang pagkakamali. Kung titingnan natin ang mga nauna sa atin, makikita natin ang mga katulad ni David sa Lumang Tipan na nagkamali rin. Sa Bagong Tipan, makikita nating ang katulad ni Pedro ay nagkamali rin. At ako man ay lagi ring nagkakamali, bumabalik ako sa pagtuon sa aking sarili, mas madalas kaysa nais kong aminin. Gayunpaman, katulad ng nabanggit ko sa naunang mga artikulo, pinatawad na tayo kay Hesu-Kristo. Kung kaya, ang mahalaga ay magsisi tayo at humingi ng tulong sa Panginoon upang tayo’y makabalik sa tama, mamuhay para sa Kanya at pagsumikapan Siya bilang ating hangarin habangbuhay. Bilang mga Kristyano, hindi tayo magiging perpekto hanggang tayo’y tawagin Niya, kaya’t magkakamali tayo sa buhay na ito, ngunit hindi ito dahilan upang manatili tayo sa kasalanan. Higit pa, bilang mga Kristyano ay hinahangad nating mamuhay nang matuwid at namumuhi tayo sa kasalanan, kahit nagkakamali pa rin tayo. Ngunit sa kabilang dako, ang mga nasa mundo naman ay iniibig ang kanilang kasalanan at nagsisikap na manatili rito. Kung gayon, kung ikaw ay naligaw bilang isang anak ng Diyos, huwag kang manatili roon. Manalangin ka at hilingin sa Diyos na pangunahan kang mamuhay nang kalugud-lugod sa Kanya at para sa Kanya. At sa paggawa mo nito, huwag mo itong ituring na sakripisyo, dahil ang pakinabang ni Kristo ay may halagang higit pa sa anupamang isusuko natin!

close

Enjoy this blog? Please spread the word :)