Sa huling artikulo, kinilala nating nililinaw ng Salita ng Diyos na babalik muli si Kristo. Sa artikulong ito, gusto kong himayin natin kung paano tayo binigyan ng Diyos ng mga aabangang bagay na mangangahulugan at magtuturo sa Kanyang pagbabalik, at kung paano tayo dapat mag-isip ukol sa Kanyang pagbabalik. Gusto kong ipakita sa inyo kung paano hinuhubog ng ating pananaw tungkol sa Diyos ang ating pag-iisip ukol sa Kanyang pagbabalik. Sa madaling salita, ang pag-iisip natin tungkol sa pagbabalik ni Kristo ay hindi lamang nagpapakita ng ating pananaw sa eskalotohiya, kundi pati ang ating pananaw sa teolohiya.

Una, hindi tayo nag-aabang sa pagbabalik ni Kristo para lang mamuhay tayo sa langit nang walang inaalala at nagdiriwang sa ating mga kayamanan. Naalala ko ang lumang cartoons na DuckTales, kung saan pumupunta si Scrooge sa kanyang malaking kaha at lumulundag sa mga kayamanang naitago niya rito. Kuntento na siya sa kanyang kaha, na mag-isang kasama lang ang kanyang mga ginto. Naniniwala akong ganito ang larawan sa isip ng ilang tao ukol sa langit, kung saan mag-isa tayong lulundag sa kanya-kanyang kaha na puno ng kayamanan, walang inaalala, at walang pakialam kung andoon man si Kristo o wala. Kapag nakikipag-usap ako sa mga tao tungkol sa pagbabalik ni Kristo, madalas ko silang tinatanong, “May halaga ba sayo na kapag dumating ka sa langit ay wala si Kristo doon?” Pag-isipan nyo ng ilang sandali ang tanong na iyan, dahil ito’y mahalaga upang matulungan tayong makita kung nasaan nga ba ang ating mga puso.

Mateo 6:21 Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”

Kung gayon, paano natin dapat pag-isipan ang Kanyang pagbabalik? Una, ang ebanghelyo ni Hesus ay hindi nagsimula sa Bagong Tipan. Nagsisimula ito sa Kanyang Pagka-Diyos, sa Kanyang kaisahan sa Diyos, sa Kanyang walang hanggang kalagayan, kung kaya dinala tayo ng Juan 1:1 sa simula ng paglikha. Tinalakay rin ng ebanghelyo ang paghahari ni Kristo, na inihayag ng propeta sa 2 Samuel 7:12-13 kung saan sinabihan si David na ang kanyang kaapo-apuhan ay maghahari magpakailanman sa trono (Tingnan din ang Mga Awit 89:4)

2 Samuel 7:12-13 Pagkamatay mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian. Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman.

Ang katuparan ng propesiyang ito ang inaabangan ng mga taga-Israel. Sabik silang naghihintay sa walang hanggang paghahari ng Mesias, kung saan sila’y magiging Kanyang bayan, na habang buhay nasa presensiya ng kanilang Hari. Sa ating pagsulong sa Bagong Tipan, nakikita natin na ito ang kanilang hinahanap noong nagtatanong ang mga disipulo kung kailan itatatag ni Hesus ang Kanyang Kaharian. At pansinin ninyo sa Pahayag 21:1-4 na ang sentro ng talata ay na ang Diyos ay kapiling ng sangkatuhan at sila’y kapiling Niya.

Pahayag 21:1-4 Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong daigdig. Wala na ang dating langit at daigdig, wala na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lunsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Maganda ang bihis at handa na siya sa pagsalubong sa lalaking kanyang mapapangasawa. Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila’y magiging bayan niya. Makakapiling nilang palagi ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”

Ang pinakatampok ng talata ay ang muling pag-iisa ng Diyos sa Kanyang pakakasalan, na siyang iglesya. Ito ang dapat pagtuunan ng ating mga puso. Pansinin ninyo na sinasabi sa talata na tayo’y magiging bayan Niya at Siya’y magiging Diyos natin. Maghahari si Hesus sa trono magpakailanman, at bilang Kanyang bayan, nararapat tayong mag-abang sa pagdating ng Kanyang kaharian, sa Kanyang paghahari, at sa pananatili natin sa Kayang presensya. Kung tatanungin ko muli kayo, “May halaga ba sa inyo na kung pagdating nyo sa langit ay wala doon si Kristo?” Ang sagot dapat natin ay kung ang isang lugar ay wala roon si Kristo, parang impyerno pa ito sa atin kaysa langit. Nararapat na ang matindi nating kagustuhan ay ang manatili sa Kanyang presensya, kung saan pagmamasdan natin ang ating Taga-pagligtas, ang ating Manunubos, at gagawin natin ang nakikita nating ginagawa ng mga pinuno, mga anghel at ng lahat ng nilikha sa Pahayag 5:11-14, na sumasamba sa pinaslang na Kordero!

Pahayag 5:11-14 Tumingin akong muli at narinig ko ang tinig ng milyun-milyon at libu-libong anghel. Sila’y nakapaligid sa trono, sa apat na buháy na nilalang at sa mga pinuno. Umaawit sila nang malakas, “Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, parangal, papuri at paggalang!” At narinig kong umaawit ang mga nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, lahat ng mga naroroon, “Ibigay sa nakaupo sa trono, at sa Kordero, ang papuri at karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan, magpakailanman!” At sumagot ang apat na nilalang na buháy, “Amen!” At nagpatirapa ang mga pinuno at nagsisamba.

O, kay gandang araw noon! Ang araw na maaari na tayong maging bayan Niya at manatili sa Kanyang Kaharian. Oo, pinupuri natin ang Diyos sa maraming bagay na Kanyang ipinapangako sa atin, ngunit ang pinakamahalaga nating kayamanan ay Siya mismo. Kung gayon, ang paraan kung paano natin inaabangan ang Kanyang pagdating ay maraming ipinapahayag tungkol sa ating pananaw sa Diyos, at sa gayon, sa ating teolohiya. Hindi ko alam sa inyo, pero madalas kong panalangin na Siya ang papurihan sa aking puso at na Siya’y mamahalin ko nang higit pa sa anumang bagay o sinumang tao at sabik akong maghihintay na manatili sa Kanyang presensya.

Habang tayo’y sabik na naghihintay, ano ang mga inaaabangan natin na magpapahiwatig sa atin na natutupad na ang Salita ng Diyos at tayo’y papalapit na ng papalapit dito? Tulad ng nabanggit ko sa huli kong artikulo, ang Diyos ay hindi isang Diyos na kalituhan, at sinabi Niya kung ano ang mga tanda na dapat nating abangan. Kahit hindi natin alam ang araw o oras, binigyan tayo ng mga tanda na maaaring nating hanapin.

Sa Kanyang Salita, inilahad ni Hesus ang isang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, at lalo na, ipinahayag Niya ang tatlong kapanahunan na alam nating paparating. Ang una ay ang tinatawag Niyang paghihirap na tulad ng isang babaing manganganak (Mateo 24:8). Ang panahong ito ay mangyayari bago ang pitong taon ng paghihirap o kapighatian, kung saan mangyayari ang mga pagsubok, mga pagdurusa, at maraming darating at magsasabing sila si Kristo upang iligaw ang marami (Mateo 24:5). Naniniwala ako na nasa panahong ito na tayo ngayon, at habang naririto tayo, si Kristo ay nasa kanang kamay ng Ama at naghihintay ng panahon kung kailan mabibigyan Siya ng trono sa kahariang paparating, na tatalakayin ko sa mga susunod na artikulo.

Mga Hebreo 1:13 Kailanma’y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”

At habang hinihintay natin ang panahong iyan, marami nang dumating at nagpapanggap bilang si Hesus gaya ng sinabi Niyang mangyayari.

May iba pang mga tanda na isinulat din bilang bahagi ng paghihirap ng babaing nanganganak na maaari ninyong aralin, ngunit uusad na tayo, at ang isa pang pangyayari na dapat maganap bago magsimula ang pitong taon ng kapighatian, ay ang pagpapahayag ng ebanghelyo sa lahat ng bansa at pagkatapos noo’y “darating na ang katapusan” gaya ng sinabi ni Hesus.

Mateo 24:14 Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos upang ang lahat ng bansa ay makarinig nito. At kung maganap na ito, darating na ang katapusan.”

Kapag ito’y naganap na, papasok na tayo sa panahon ng kapighatian. Mahirap tukuyin ang kaorasan nito, at sa totoo lang, hindi natin dapat ito subukang gawin, dahil sinabi na sa atin ni Hesus na ang Ama lang ang nakakaalam ng eksaktong oras. Gayunpaman, may mga taong sumusubok na bantayan ito katulad ng mga organisasyon gaya ng Joshua Project, at masasabi kong ginagawa nila ito sa tamang kadahilanan, hindi upang kalkulahin ang Kanyang pagbabalik, kundi upang tulungan tayong tukuyin kung saan pa dapat maipahayag ang ebanghelyo upang matupad ang dakilang utos.

Ngayon, talakayin natin kung paano nahahati ang panahon ng kapighatian na binanggit ni Hesus. Sa itaas ay binanggit ko na darating tayo sa pitong taong panahon ng kapighatian, ngunit sa katotohanan, ang panahong iyan ay hinati sa dalawa. Ang unang hati ay tinawag ni Hesus na kapighatian at ang ikalawa ay tinawag Niyang matinding kapighatian. Nakikita rin natin ang pagbanggit sa mga panahong ito sa Pahayag 11:2-3 at sa Pahayag 12:6.

Pahayag 11:2-3 Ngunit huwag mo nang sukatin ang mga bulwagan sa labas ng templo, sapagkat ibinigay na iyon sa mga taong di-kumikilala sa Diyos. Hindi nila igagalang ang Banal na Lunsod sa loob ng apatnapu’t dalawang buwan. Ipadadala ko ang dalawa kong saksi na nakadamit ng sako, at sa loob ng 1,260 araw ay ipahahayag nila ang mensaheng mula sa Diyos.”

Sa Mateo 24:9, nagpatuloy Siya sa pagsabing isasakdal sila sa kapighatian at sa bersikulo 21, matapos maglista ng marami pang tanda, sinasabi Niyang isasakdal sila sa matinding kapighatian.  Ang matinding kapighatian sa gayon ay ang tatlo’t kalahating taon matapos ang kapighatian na tatlo’t kalahating taon din. Ang dalawang panahon na itong pinagsama ay ang panahon na pitong taon na tinutukoy ng karamihan bilang panahon ng kapighatian. Ayon sa katuruan ni Hesus, matapos tumayo ng kasuklam-suklam na kalapastanganan sa dakong banal, darating na tayo sa panahon ng matinding kapighatian.

Mateo 24:15 | “Unawain ninyo itong mabuti: kapag nakita ninyong nagaganap na sa Dakong Banal ang kasuklam-suklam na kalapastanganang tinutukoy ni Propeta Daniel,

Marami ang naniniwala na ang kasuklam-suklam na kalapastanganan ay ang antikristo, na mauupo sa templo, at ibig sabihi’y dapat maitayo muli ang templo sa Herusalem kung tama ang pananaw na ito. May kabuluhan naman ito sapagkat sa unang tatlo’t kalahating taon, lilinlangin ng antikristo ang mga taga-Israel at sa punto ng ikatlo at kalahating taon, magsisimula niyang angkinin na siya ay Diyos. Gusto ko ring pansinin na maraming naguusap-usap tungkol sa mga lindol at mga pananalasang nagaganap at sinasabing nasa mga huling araw na tayo o panahon ng kapighatian. Gayunpaman, ang mga ito ay nakalista rin sa panahon ng paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak. Ang pagkakaiba, sinabi ni Hesus na ang mga lindol na magaganap sa panahon ng matinding kapighatian ay sadyang mas malala kaysa kahit anong naranasan na natin.

Mateo 24:21 Sapagkat sa panahong iyon, ang mga tao’y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan. 

Sa puntong ito, na nagsisimula na ang matinding kapighatian sa mga kasulatan ay makikita ang pagdating ni Kristo para sa pagdagit (rapture) ng Kanyang bayan. Dito ako magpapatuloy sa ating sunod na artikulo na magpapaliwanag kung saan natin makikita ang pagdagit sa Salita ng Diyos at ilalarawan ang pagkakaiba ng pagpapakita ni Hesus upang tawagin ang Kanyang bayan at ang Kanyang ikalawang pagdating kung saan bababa Siya sa lupa upang maghari magpakailanman. Tandaan ninyo ito, na kapag dinagit Niya ang Kanyang iglesya ay naniniwala akong hindi ito ang Kanyang ikalawang pagdating, dahil hindi Siya lubusang bumaba sa lupa, hindi tulad ng inilarawan na Kanyang pagbabalik sa aklat ng Mga Gawa. Sa susunod na artikulo ay titingnan natin ang mga detalyeng ito. Kaya, abangan nyo yan!

Dito tayo magtatapos, at isipin natin kung gaano kalugod-lugod na manatili sa Kanyang presensya kapag tayo’y humarap na sa Kanya. Habang hinihintay natin ang panahong ito at habang iniisip natin ang maraming tanda na ibinigay sa atin, alalahanin natin na bilang Kanyang mga anak, idinadalangin natin ang pagdating ng Kanyang kaharian, at nakikiisa tayo sa gawain ng Kanyang kaharian hanggang Siya’y bumalik, sabik na naghihintay na makasama ang ating Taga-pagligtas. Sa dahilang ito ay kaaya-ayang gawain ang pagaaral sa aklat ng Pahayag, dahil inilalagay nito ang ating isip sa panahong kukunin na ni Kristo sa kanyang puwang sa trono at tayo’y makakapiling na Niya! Isang napaka-gandang bagay na maaari nating pag-aralan at pag-isipan.

close

Enjoy this blog? Please spread the word :)